|
Ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin tulad ng petrolyo at iba pang commodities ay malaking balakid sa pagsulong ng ating bansa. Halos karamihan sa ating mga kababayan ay hindi na makasabay sa takbo ng ating ekonomiya. Isang panawagan po mula sa Pangasiwaan ng PENELCO na sa kabila ng hirap ng buhay ay hindi ninais na pahirapan ang mga member-consumers. Nais ng PENELCO na ipaliwanag sa mga kasapi sa pamamagitan ng column na ito na ang tuwirang pagpapatupad ng 10 araw na palugit sa pagbabayad ng kuryente ay matagal na pong sinagawa. Karamihan sa ating mga kababayan ay nasanay lamang na lumagpas sa takdang araw ng pagbabayad o due date sapagkat hindi sila inaabutan ng putulan. Para po sa kaalaman ng lahat, ang PENELCO ay distribution utility lamang na tuwirang bumibili ng kuryente sa National Transmission Corporation (TRANSCO) na kumukuha naman sa NPC-GENCO at ang PENELCO ay may hangganan bayad din sa kanila o expiration date ng pagbabayad. Ang NPC-GENCO ang main source ng kuryente at ang PENELCO ay retailer lamang. Ito ang tuwirang dahilan kung bakit kinakailangan magputol ng kuryente sa mga delinkuwenteng consumers.
Nais din bigyan ng pansin ng PENELCO ang tungkol sa EPIRA Law upang mas higit na maintindihan ng mga kasapi ang napapaloob dito. Ito ay inaprobahan ng ating gobyerno sa pamamagitan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noon ika-03 ng Pebrero 2004 ayon sa pagsunod sa kautusan ng Republic Act 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001.
Sa pagpapatupad ng EPIRA Law ay maraming kooperatiba sa larangan ng elektripikasyon ang apektado ang operasyon hindi lamang ang PENELCO kundi kasama na rin ang lahat ng kooperatiba sa buong Pilipinas. Nakapaloob din sa batas na ito ang Loan Condonation o ang pag-ako ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) sa mga natitira pang pagkakautang ng mga electric cooperatives sa NEA na nakapaloob sa Seksiyon 60 ng EPIRA o Republic Act 9136
Malaking kaginhawahan o tulong para sa mga member-consumers ang pagpapatupad ng batas na ito subalit sa kabila nito ay nagkaroon ng mga dagdag o hiwalay na singil sa kuryente ang ating gobyerno at ito ay naipaliwanag na sa nakaraang ulat ng kooperatiba. Ang PENELCO ay nag sisilbing taga pangulekta lamang at ang ating ibinabayad para sa Universal Charge ay hindi napupunta sa PENELCO bagkus ito ay may separate book of account at ang lahat na malilikom ng PENELCO at iba pang mga kooperatiba sa mga member consumers ay ibibigay naman sa PSALM sapagkat tayo ay controlado nito ayon sa nilikhang batas R.A. 9136. Ang perang malilikom ng PSALM mula sa mga consumers ang gagamitin naman pondo upang mapaabot ang daloy ng kuryente sa mga liblib na lugar at upang mapangalagaan naman ang kapaligiran tulad ng water shed areas.
Humihiling po ang PENELCO sa inyong lubos na pang-unawa. |