|
Sa kabila ng maulan na panahon ginanap noong ika-18 ng Hulyo taong kasalukuyan ang Taunang Pangkalahatang Pagpupulong ng mga Kasapi o Annual General Membership Assembly (AGMA) sa Solidarity Hall ng punong tanggapan ng PENELCO. Gaya ng mga nakaraang AGMA, may ilang oras na iniukol upang makapagparehistro ang mga kasapi na siya namang sinundan ng maiksing programa kung saan ipinakilala ang lahat ng labing dalawang (12) bagong halal na direktor ng Kooperatiba na kinabibilangan nila Dir. Benjamin Estrella (Dinalupihan, Dir. Edna Cruz (Hermosa), Dir. Mauro Bernales (Orani), Dir. Generosa dela Fuente (Samal), Dir. Vicente dela Fuente (Abucay), Dir. Carlito ni Jhonna Dizon Enriquez Sr (Balanga), Dir. Christopher Pizarro (Pilar), Dir. Ma. Lilibeth Fuster (Orion), Dir. Alberto Villaruz (Limay), Dir. Almario Rubia (Mariveles), Dir. Danilo Ricardo (Bagac) at Dir. Leila Muñoz (Morong). Nagbigay ng ulat ang kasalukuyang Board President na si Direktora Fuster ukol sa estado at mga nagawa ng PENELCO ng nakalipas na taon. Dumalo ang ilang mga lokal na opisyales tulad ng mga kapitan ng barangay, konsehal at mga mayor ng iba’t ibang bayan ng Bataan. Bilang mga piling panauhin nagbigay ng napapanahong mensahe sina Gov. Tet Garcia at Cong. Abet Garcia, samantalang sina Cong. Minia Roman at Mayor Joet Garcia ay kinatawan nina G. Rey Ibe at G. Rodolfo de Mesa na nagbahagi din ng ilang pananalita sa mga kasapi.
Ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng PENELCO para sa 2009 AGMA ay isang daan tatllumpu’t siyam na libo, pitong daan at labing dalawa (139,712) mula dito may dalawang libo dalawang daan at anim (2,206) na mga kasapi ang nakibahagi sa nasabing pagpupulong. Dalawang daan at siyamnapu (290) ay nagmula sa Dinalupihan, isang daan at labing-isa (111) ay nanggaling sa Hermosa, isang daan at walumpu’t isa (181) ay mga taga-Orani, dalawang daan at dalwampu’t apat (224) ay nagmula sa Samal, tatlong daan siyamnapu’t isa (391) ay nanggaling sa Abucay, isang daan tatlumpu’t tatlo (133) ay mga taga-Balanga, isang daan at walo (108) ay nagmula sa Pilar, walumpu’t anim (86) ay nanggaling sa Orion, dalawang daan animnapu’t anim (266) ay mga taga-Limay, dalawang daan siyamnapu’t lima (295) ay nagmula sa Mariveles, walumpu’t isa (81) ay nanggaling sa Bagac, at apatnapu (40) ay mga taga-Morong.
Kahit na maliit na bahagi mula sa pangkalahatang bilang ng mga kasapi ang dumalo sa AGMA, masasabi pa ring naging makabuluhan at makulay ang ginanap na pulong sapagkat naging maayos ang takbo ng Kooperatiba para sa nakalipas na taon at aktibong nakibahagi ang mga miyembro sa mga usapin. Para sa mga miyembrong matiyagang naghintay hanggang matapos ang programa may inihandang mga papremyo na ipina-raffle para sa kanila. Hanggang sa susunod na pagpupulong ay umaasa ang PENELCO para sa inyong masugid na suporta at pakikibahagi. |