|
Ang lahat ng empleyado ng PENELCO kasama ang mga Board of Directors ay nakilahok sa ginanap na ALAY LAKAD sa KALIKASAN noong ika-11 ng Hulyo, 2009. Ang gawaing ito ay bilang pagsuporta ng PENELCO sa 40th Anibersaryo ng National Electrification Administration (NEA) na may paksang, “Apatnapung Taon sa Matagumpay na Elektripikasyon”.
Isa sa mga layunin ng programa ay kung paano makatutulong ang mga electric cooperatives sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at pagsagip sa ating kalikasan. Ito rin ay upang mabigyan ng kahalagahan ang pakikibahagi ng ating kooperatiba sa “socioeconomic development” ng ating bansa. Nagsimula ang Alay Lakad sa harapan ng Bataan People’s Center patungong plasa ng Balanga at nagtapos sa PENELCO Main Office. Hindi naging hadlang ang maulan na panahon upang maisakatuparan ang gawaing ito. Nagkaroon din ng “Tree Planting” activity na kung saan nagtanim ng apatnapung puno ang mga direktor at empleyado.
Isang maikling programa ang ginanap sa Leadership Hall na pinangunahan nila Lito Izon at Kelly Medina. Nagbigay ng panimulang pananalita si Dir. Lilibeth Fuster, Board President. Ayon sa kanya, ito ang tamang panahon upang pangalagaan ang ating kalikasan sapagkat lumalala na ang epekto ng “global warming” hindi lamang sa ating bansa kundi pati sa buong mundo. Ang pagtatanim ng mga puno ngayon ay napakahalaga para sa mga susunod na henerasyon.
Nagpaunlak din na magbigay ng mensahe ang aming panauhing pandangal na si G. Juanito David ng CENRO. Siya ay lubos na nagagalak sa pakikiisa ng PENELCO sa mga programa ng DENR lalo na ang pagsagip sa kalikasan.
Para sa ating lahat na mamamayan ng Bataan, ngayon na ang tamang panahon upang sama-sama nating pahalagahan, alagaan at mahalin ang kalikasan. |