|
|
|
|
|
|
Ngayong buwan ng Abril, isang tradisyon para sa mga taga-Bataan ang paggunita sa “Araw ng Kagitingan” na ginaganap sa Mount Samat tuwing ika-9 ng Abril. Ang Mount Samat ay isang bundok na matatagpuan sa bayan ng Pilar. Sa tuktok nito ay makikita ang Dambana ng Kagitingan o ang “Shrine of Valor”. Kasabay ng labanan sa isla ng Corregidor, ang Mount Samat ay isa ring lugar na kung saan nagkaroon ng pinakamadugong digmaan laban sa Japanese Imperial Army noong 1942. Pagkatapos ng ilang araw na pakikipaglaban sa mga Hapon ay ang pagsuko na tinatayang 76,000 mga Pilipino at Amerikanong sundalo sa ilalim ng pamamahala ni Major General Edward P. King noong Abril 9, 1942. Ang mga sumukong sundalo ay pinaglakad mula Mariveles, Bataan hanggang sa Camp O’Donnel sa Capas, Tarlac kung saan sila ay ibibilanggo. Sila ay pwersahang pinagmartsa na may layong 60-milya o 97 kilometro. Sa kanilang halos isang linggong paglalakad, marami ang namatay sa hirap, gutom at sakit kaya’t ito ay tinaguriang “Bataan Death March”.
Sa ngayon, sa Dambana ng Kagitingan ay may nakatayong 92 kilometrong puting krus na nagsisilbing tagapag-alaala para sa kabayanihan ng mga sundalong nakipaglaban sa panahon ng digmaan. Nagtayo din ng museo na naglalaman ng mga armas at iba pang gamit na may kinalaman sa kasaysayan ng digmaan.
Dahil dito, ang Mount Samat ay isa na ring tanyag na puntahan ng mga turista dito sa Bataan.
Bilang suporta at kontribusyon ng ating kooperatiba sa taunang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan, ang PENELCO ay nagpapadala ng mga tauhan upang agad na maaksyunan ang anumang problema patungkol sa pagpapailaw sa lugar. |