|
|
|
|
|
|
Sa bawat asosasyon o samahan, hindi maiiwasan na may mga pagsubok at suliranin ang kanilang nararanasan. Mga pagsubok na kung hanggang saan nila ito kakayanin. Tulad ng samahan sa BAPA, ang mga pangunahing problema nila ay tungkol sa pinansyal at teknikal na aspeto. May mga nahalal na Ingat-Yaman na natutuksong gastusin ang naipong pondo sanhi nito ay pagkaputol ng serbisyo ng kanilang koryente sa kadahilanang hindi nakakabayad sa buwanang konsumo ng kanilang Mother Meter. Ang ibang Bapa naman ay nalulugi dahil sa laki ng kanilang system loss at hindi pagsunod sa pagtaas ng taripa na nagiging sanhi upang hindi kumita ang kanilang samahan. Sa ganitong sitwasyon, ang pagkakaisa at pagmamalasakit ng mga kasapi sa kanilang asosasyon ang maaaring makatulong upang maresolba ang ganitong suliranin. Sa paghahalal ng Ingat-Yaman, piliin ang taong nararapat, may kakayahan at may magandang rekord / estado pagdating sa pananalapi. Siguraduhin ng mga kasapi na ang naiipong pondo ay ilalagak sa bangko ng Ingat-Yaman para maiwasang matukso sa paggastos ng pondo ng samahan. Alamin din ng mga kasapi kung ang Ingat-Yaman ba ay buwanang nakakabayad sa Penelco at maging up-date sa halaga ng taripa na ipinapataw ng Penelco.
Kung mataas naman ang system loss ng bawat BAPA, ang Special Project Division ay maaaring lapitan upang makatulong na lutasin ang nagiging sanhi ng mataas na line losses at upang mapag- aralan at magawan ng solusyon kaagad ang patuloy na pagtaas nito. Sa katunayan, ang sinumang kasapi na mahuli na gumagamit ng ilegal na pamamaraan at di sang-ayon sa patakaran ng Kooperatiba ito ay pinapatawan ng kaukulang kaparusahan o multa upang mabawi ang kanilang mga ninakaw na koryente.
At para maiwasan ang ganitong suliranin, ang pagkakaisa, pagtupad sa tungkulin/obligasyon at pagiging isang responsableng kasapi ang pinakamahalagang sangkap upang ang isang samahang BAPA ay maging maunlad at matagumpay. |