|
Idineklara bilang mga bagong halal na direktor sina G. Alberto Villaruz ng Limay at Gng. Ma. Lilibeth Fuster ng Orion noong nakaraang eleksyon, dalawang magkasunod na Sabadong nakalipas. Ang mga iba pang kumandidato sa distrito ng Limay ay sina G. Sixto Pangilinan at Gng. Nenita Roberto na nakakuha ng tatlong daan limampu't lima (355) at tatlong daan tatlumpu't walo (338) na boto, ayon sa pagkakasunud-sunod. Mula sampung libo isang daan walumpu't siyam (10,189) na bilang ng mga rehistradong miyembro ng Limay, isang libo walong daan pitumpu't anim (1,876) ang nakilahok sa halalan o labingwalong porsiento (18%) ng pangkalahatang bilang ng miyembro sa Limay.
Ang halalan naman sa distrito ng Orion ay pinagwagian ni Gng. Ma. Lilibeth Fuster na nakuha ng isang libo apat na raan tatlumpu't tatlo (1,433) na boto laban kay G. Felizardo Quicho na nakakuha ng isang daan apatnapu't siyam (149) na boto. Mula sa sampung libo apat na raan walumpu't siyam (10,489) na bilang ng rehistradong botante ng Orion, isang libo limang daan walumput't dalawa (1,582) ang bumoto o labinlimang porsiento (15%) ng pangkalahatang bilang ng mga kasapi ng PENELCO sa Orion.
Gaya ng mga nakaraang halalan na itinakda sa araw ng Sabado, gaganapin ang mga susunod pang halalan sa distrito ng Morong sa Enero 28, Hermosa sa Pebrero 4, Samal sa Pebrereo 11, Abucay sa Pebrero 18, Bagac sa Pebrero 25, Orani sa Marso 4, Dinalupihan sa Marso 11, at Mariveles sa Marso 18. Ang pagboto ay gaganapin mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon na susundan agad ng bilangan at talaan ng mga boto upang maideklara ang nanalo. |