|
|
|
|
|
|
KAHALAGAHAN NG BAPA SEMINAR
Sa kabila ng di mapigilang pagtaas ng taripa ng kuryente, marami pa rin sa mga potential consumers ng BAPA ang nagsisikap na makabitan sila ng serbisyo ng kuryente. At dahil dito, patuloy na tumataas ang bilang ng mga kasapi ng BAPA, kung kayat ang mga responsibilidad ng mga opisyales ng samahan ay nadaragdagan. Bilang pagsuporta at pagtulong ng Penelco sa lahat ng mga opisyales ng BAPA, ang Special Project Division o BAPA ng Penelco ay nagsasagawa ng seminar o briefing sa lahat ng mga bagong aplikante nito tuwing Miyerkules, sa ganap na alas nuwebe ng umaga (9:00 A.M) at alas dos ng hapon (2:00 P.M.). Ang layunin ng seminar ay upang ipaalam sa mga aplikante ang kanilang mga tungkulin, pananagutan at karapatan bilang kasapi ng BAPA. Ipinapaalam din sa kanila ang mga bagay bagay na maaaring ikatiwalag nila bilang kasapi at mga kaparusahan na maaaring ipataw sa kanila kung sakaling sila ay mahulihang nandaraya o nagnanakaw ng kuryente. Bukod pa rito, magiging legal na miyembro ng BAPA at ng Penelco ang bagong aplikante na dumalo ng seminar. Magkakaroon pa sila ng sapat na kaalaman kung ano ang nakapaloob sa pagiging BAPA. Lubhang mahalaga ang pagdalo ng mga bagong kasapi sa seminar ng BAPA sapagkat dito nila malalaman ang obligasyon ng bawat isa at ang kahalagahan ng kanilang kooperasyon at pakikiisa upang ang kanilang samahan ay maging maayos, maunlad at matagumpay.
Ang Special Project Division o Tanggapan ng BAPA (Penelco) ay ipinapaalam sa lahat ng bagong aplikante na kailangan po nilang dumalo sa seminar ng BAPA bago sila makabitan ng serbisyo ng kuryente at hindi nila pinapayagan ang proxy. Kung kayo naman ang tunay na may ari, iwasan po ninyo na gamitin ang pangalan ng iba o ipangalan ang apply ninyo sa dati ng miyembro bilang number 2 para lamang makaiwas sa seminar. Ang hindi po ninyo pagdalo sa seminar ay malaking kawalan para sa inyong dagdag na kaalaman at inalisan pa ninyo ang inyong karapatan na maging kabahagi, kapuso, kapamilya at legal na miyembro ng inyong BAPA. (ni Carmen D. Cruz) |